Mayroon nga bang bawal na prutas sa buntis? Bakit bawal ang pinya sa buntis? Isa ito sa ipinag-aalala at tanong ng mga babaeng nagdadalang-tao. Narito ang mga sagot ng eksperto.
Ang pagbubuntis ay madaming dala na pagbabago tulad ng morning sickness at mabilis na pagbabago ng katawan. Bukod dito, malaki din ang nagiging pagbabago sa diet.
Ano nga ba ang mga ligtas at mabuting kainin ng buntis? Lahat ba ng prutas ay puwedeng kainin? Kung hindi, ano ang mga prutas na bawal sa buntis?
Ating alamin sa article na ito ang tatlong bawal na prutas sa buntis sa unang trimester ng pregnancy.
title="Mga bawal kainin na prutas sa buntis
">Mga bawal kainin na prutas sa buntis
Iba pang tips tungkol sa pagkain ng prutas kapag buntis
Ano ang mga prutas na ligtas kainin ng mga butis?
Pero, bakit nga ba napakahalaga ng first trimester?
Ang pagbubuntis ay nahahati sa tatlong parte o trimesters. Ang first trimester ang unang tatlong buwan sa pagbubuntis. Importante ang panahon na ito dahil sa pagtatapos ng first trimester, na-develop na ang mga organ ng sanggol sa sinapupunan.
Dahil ang fetus ay nagde-develop pa lamang, wala pa itong sariling immune system. Ang mga organ ay maaaring mapinsala kaya dapat iwasan ang mga gamot, caffeine at mga toxic chemicals. Dapat din na mag-ehersisyo ng regular, uminom nang sapat na dami ng tubig at kumain ng tama.
Alam natin na bawal ang soft cheese, sushi, soft-serve ice cream at iba pang mga pagkain na maaaring maging sanhi nang pagkalason. Alam niyo din ba ang mga bawal na prutas sa buntis lalo na sa first trimester?
Mga dapat ugaliin ng buntis
Bakit nga ba importanteng kumain ng mga prutas para sa buntis? Pati na rin ang ibang aktibidad sa kanila?
Sa tulong ni Dr. Ramon Reyles, kasalukuyang Chairperson ng departamento ng OB-GYN sa Makati Medical Center, bibigyang kasagutan natin ang katanungan na ito tungkol sa mga dapat kainin o iwasan na pagkain ng mga buntis.
Kapag buntis, marami kang “cravings”, marami kang gustong kainin ayon sa panlasa mo sa oras na iyon. Minsan, ang mga gusto mong kainin ay hindi masustansiya—pero masarap para sa iyo kaya tuloy ang kain.
Para masigurong may makakain pa rin may vitamins at minerals na kailangan kapag buntis, mainam na isali palagi ang prutas sa araw-araw. Sa ganitong paraan, makakaiwas kahit papaano sa mga matatamis na “cravings”. Karaniwan at hindi mamahaling mga prutas ang dapat na kainin.
Ayon kay Dr. Reyles, bukod sa pagkain ng buntis, no-no activities din ang mga “weights” kung tawagin katulad ng pagtalon.
“‘Yong physical exertion, strenuous ‘di puwede ‘yon. ‘Yong exercise like carrying heavy weights bawal. Overstretching, gymnastics and anything that involved the risk of falling is dangerous to a pregnant mom of any gestational age.”
Dagdag pa ni Doc, mas magandang ugaliin ng mga buntis ang paglalakad imbes na gawin ang weights na ito. “Maganda sa mga buntis meron silang kasama. Kwentuhan, it will be a leisure form of exercise.”
Mga bawal kainin na prutas sa buntis
Mga prutas na bawal sa buntis, mayroon nga ba?
Dagdag pa ni Dr. Reyles, kailangang tandaan ng mga pregnant moms na pagpasok nila ng pagbubuntis, dapat ay maging maingat sila sa lahat ng kinakain. Dito na pumapasok ang mga dapat at bawal kainin sa kanilang pregnancy journey.
Kung hilig mo nang kumain ng mga hilaw na pagkain katulad ng sushi, moms, iwasan muna ito habang ikaw ay nagbubuntis.
Ayon pa kay Dr. Reyles,
“It is not advisable kasi chances are yung risk for infection ay mataas. Whether it is raw fish or undercooked meat, ‘yan mga ‘yan they should be avoided. Dapat lahat well-cooked not undercooked. Dahil yung danger ng hindi lang parasite pati bacteria mataas.”
Ilan na lamang sa dapat iwasang kainin ng ating moms ay ang maaalat, mamantika na pagkain at isda na mayroong mataas na lebel ng mercury. Katulad na lamang ng big eye tuna, king mackerel, swordfish, marlin at iba pa.
Sa usapang prutas naman, narito ang pinaniniwalaang mga prutas na bawal sa buntis.
Bawal na prutas sa buntis | Image from Unsplash
1. Pinya
Bakit bawal ang pinya sa buntis? Ito ang laging tanong ng maraming babaeng nagdadalang-tao. Lalo na sa isa ito sa mga maasim na prutas na hinahanap-hanap ng buntis.
Base sa siyensya, ang pinya ay nagtataglay ng bromelaine. Ito ay sang enzyme na nagbe-break down ng protein. Isa sa mga side effects ng bromelain ay ang paglambot ng cervix na sinasabing maaaring maging dahilan ng early labor.
Ayon din sa mga pag-aaral, ang bromelaine tablets ay maaaring magdulot ng irregular bleeding. Ito ang isa sa pinaniniwalaang dahilan kung bakit bawal sa buntis ang pinya.
Subalit, dapat isaalang-alang na ang mga epektong ito ay mangyayari lamang kung ikaw ay kumain ng napakaraming pinya (mga pito hanggang sampu sa isang kainan). Ibig sabihin nito, maaaring kumain ng ilang hiwa ng pinya ang isang buntis ng hindi makakasama sa kaniyang pagdadalang-tao.
Pero bakit bawal sa buntis ang pinya? Ang isa siguro sa dahilan na dapat niya ring ingatan ay ang maaring epekto ng pagkain ng maraming pinya. Ilan pa sa epekto ng pagkain ng madaming pinya ay acid reflux, heartburn at diarrhea (na maaaring maging sanhi ng dehydration).
Maaari rin na magkaroon ng allergic reaction ang isang buntis lalo na kung matagal na itong hindi kumakain ng pinya. Kung nakakaramdam ng sintomas tulad ng nasal congestion, pangangati o pamamaga ng bibig, o asthma pagkatapos kumain ng pinya, makakabuti na kumonsulta agad sa doctor. Ito ang dahilan kung bakit bawal na prutas sa buntis ang pinya.
Pero sa kabuuan, pahayag ng mga eksperto, ang pinya ay ligtas at healthy para sa buntis. Basta ito ay hindi sosobra. Ang isang cup nito ay nagtataglay ng 100% na recommended daily intake ng vitamin C na kailangan ng buntis.
Paano ito maidagdag ang pinya sa healthy diet ng buntis? Ito ang ilang paraan:
- Maghiwa ng fresh chunks nito at ihalo sa iyong morning yogurt.
- I-blend ang pinya at gawing smoothie.
- Ilagay ang fresh cut ng pinya sa iyong inihaw na pagkain.
- Ihalo ito sa iyong vegetable salad.
- I-mix ang pinya sa iyong salsa.
- Gawin itong ice pops.
- Ihalo ito sa stir fry o i-top sa iyong Hawaiian pizza.
2. Grapes o ubas
May mga experts na nagsasabi na maaaring kumain ang mga buntis ng ubas, samantalang may iba naman na nagbabawal nito. Bagama’t ito ay nagtataglay ng vitamin A at C (na mainam sa buntis), may ilang dahilan bakit dapat itong iwasan sa first trimester.
- Resveratrol Toxicity – Ang balat ng ubas ay mayaman sa resveratrol na toxic sa mga buntis. Sa isang pag-aaral sa mga buntis na unggoy, ang mga pinakain ng resveratrol supplements ay nagresulta sa irregular na pag-develop ng pancreas ng anak nito. Ang pancreas ay mahalaga upang kontrolin ang glucose sa dugo kaya ang batang unggoy ay maaaring magkaroon ng diabetes.
- Pesticides sa balat ng ubas. Ang mga ubas ay madalas ini-sprayan ng pesticides. Hindi ito madaling matanggal kaya maaaring magdulot ng komplikasyon sa fetus.
- Maaari rin maging sanhi ng constipation ang ubas dahil hindi madaling matunaw o madigest ang balat nito.
Paliwanag pa ni Dr. Reyles, ang ubas ay hindi naman prutas na bawal sa buntis basta hindi lang ito sosobra. Dahil ang sobrang pagkain ng kahit anong iisang uri ng prutas tulad ng ubas ay maaring makasama sa buntis. Ito ang paliwanag ni Dr. Reyles,
“Kung wala ka naman diabetes, wala ka namang allergy pwede naman. Basta not too much on one kind of fruit.
May mga sakit o complications ng pregnancy na bawal ang grapes and grape juice. Like kung mayroon kang autoimmune at meron kang tinatawag na vasculitis.”
Ayon naman sa ilang pahayag ng mga eksperto sa kabuuan, ang grapes ay safe para sa mga buntis. Dahil sa ito ay good source ng fiber at water. Nagtataglay rin ito ng vitamins at antioxidants na maganda sa katawan.
Maaaring idagdag ang grapes sa diet ng buntis ng tulad ng pinya. Maari itong ihalo sa salad, i-mix sa yogurt o kaya naman ay gawing smoothie.
3. Hilaw na papaya
Kilala ang papaya bilang natural na lunas sa indigestion. Subalit ang hilaw na papaya ay bawal na prutas sa buntis dahil:
- Sagana ito sa latex na nagpo-promote ng early uterine contraction na maaaring maging sanhi ng miscarriage.
- Ang latex ay isa ding common allergen. Maaari itong maging dahilan nang hirap sa paghinga at anaphylaxis.
- Sagana din ito sa papain na nagti-trigger ng early labor.
Samantala, ang hinog na papaya ay ligtas kainin. Nagtataglay ito ng mga nutrients na mahalaga sa pagbubuntis tulad ng:
- Folate
- Fiber
- Cholene
- Beta-carotin
- Potassium
- Vitamins A, B at C
Kaya naman kung nagnanais kumain ng papaya ay mas mainam na piliin ang hinog na. Saka ito kainin ng fresh bilang dessert. Gawing smoothie o kaya naman ay ihalo sa iyong salad.
Iba pang tips tungkol sa pagkain ng prutas kapag buntis
Iwasan kainin ang mga prutas na hindi pa nahuhugasan. Ang balat ng hindi nahugasan o nabalatang prutas ay posibleng contaminated ng iba’t ibang bacteria at parasites.
Lalo na ang galing palengke o pamilihan na hinawakan na ng maraming mamimili. Dagdag pa rito ay ang exposure nito sa hangin sa palengke na posible ring may kasamang dumi.
Maaaring mayroong Taxoplasma, E.coli, Salmonella, at Listeria bacteria ang mga prutas na hindi pa nahuhugasan. Ang mga nabanggit kasi na bacteria ay nakukuha sa lupa o sa pamamagitan ng hindi malinis na handling ng mga pagkain.
Ang epekto ng taxoplasmosis ay tila trangkaso o flu na tumatagal nang isang buwan o higit pa. Ayon pa rin sa Healthline article, ang mga sanggol na naimpeksyon ng toxoplasma habang nasa loob ng sinapupunan ay posibleng walang sintomas kapag ipinanganak. Subalit ang mga sintomas tulad ng pagkabulag at intellectual disabilities ay maaaring madevelop sa kanilang pagtanda.
Kaya tandaan, laging hugasan ang mga prutas at gulay bago kainin.
Bawal na prutas sa buntis | Image from iStock
Bakit dapat kumain ang mga buntis ng mga prutas bilang bahagi ng kanilang diet?
Ang mga prutas ay isang mahalagang bahagi ng diet ng isang buntis. Hindi lamang dahil sa nutrients na sumusuporta sa paglaki ng sanggol, ngunit nagbibigay din sila ng minerals, vitamins, antioxidants at fiber.
Narito pa ang ibang kabutihan na dulot ng mga prutas sa isang buntis:
- Naiiwasan ang cell damage. Ang mga prutas ay may antioxidants, na nakakatulong upang bawasan ang anumang fetal cell injuries mula sa mga nakakapinsalang sangkap sa kapaligiran.
- Nababawasan ang infancy wheezing, na nauugnay sa mataas na pagkonsumo ng mga mansanas.
- Mas mababang posibilidad ng childhood eczema, na nakaugnay sa pagkain ng mga citrus na prutas sa panahon ng pagbubuntis.
Ano ang mga prutas na ligtas kainin ng mga butis?
1. Apple o mansanas
Ang mansanas ay nagtataglay ng iba’t ibang mga nutrients tulad ng fibre, vitamin A at C, at potassium. Ayon pa sa isang pag-aaral, walang asthma o allergies ang mga naging anak ng mga nanay na kumakain lagi ng mansanas habang buntis.
2. Orange
Bukod sa nakakatulong ito maiwasan ang childhood eczema, ang mga orange ay mayroong:
- High water content na nakakatulong maiwasan ang dehydration
- Folate, isang vitamin na pumipigil sa irregular na development ng utak at spinal cord
- Vitamin C, na hindi lamang may antioxidant properties kundi nakakatulong din sa iron absorption.
Ang saging ay nagtataglay ng mataas na level ng potassium, vitamin B-6, vitamin C at fibre. Ang fibre sa saging ay nakakatulong upang maiwasan ang constipation, samantalang ang vitamin B6 naman ay nakakapigil nang pagsusuka o morning sickness.
Bawal na prutas sa buntis | Image from Unsplash
4. Avocado
Ang avocado ay nagtataglay ng:
- Vitamin B, C at K
- Fibre
- Magnesium
- Potassium
- Iron
- Choline
- Folate – mas mataas kung ikukumpara sa ibang prutas
Nakakatulong din ang avocado upang mabawasan ang:
- Leg cramps dahil sa low potassium at magnesium
- Nausea dahil sa mataas na magnesium at choline nito
- Abnormal na development ng utak at nerve dahil sa sapat na dami ng choline
5. Berries
Ang mga prutas na ito ay nagtataglay ng:
- Carbohydrates
- Vitamin C
- Folate
- Fiber
- Flavanoids
- Anthocyanins
Upang mapanatili ang energy level sa isang araw, ang mga buntis ay nangangailangan ng 50 hanggang 60% ng calories mula sa carbohydrates. Makakabuti na bawasan ang pagkain ng mga refined carbohydrates at palitan ito ng mga nutrient-rich na carbohydrates tulad ng berries.
Sana ay nakatulong ang mga impormasyon na ito tungkol sa mga bawal na prutas sa buntis upang masiguro ang ligtas na pagbubuntis.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Translated in Filipino by Fei Ocampo and additional information from Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!